Pera ang usapan kapag halalan

Max Sangil

PUSPUSAN na ang paghahanda ang Commission on Elections (COMELEC) para sa nalalapit eleksiyon ng barangay sa darating na Mayo nitong taon. Mukhang tuloy na tuloy na ito, kahit dalawang beses ng ipinagpaliban. Sukat talaga naman wala ng pangatlong beses.

Marami sa mga kabarangay na sawang-sawa na sa pagmumukha ng ilan sa mga nanunugkulan sa barangay. Mayroon pa nga sabi ni Pangulong Duterte na sa sangkot sa bawal na droga. Napapanahon na talaga. Kasama po diyan ang paghalal sa Kabataang Barangay.

At nitong parating na buwan ng Oktubre, mag-uumpisa naman ang pagpa-file sa mga certificate of candidacy (COC) ng gustong kumandidato sa eleksiyon sa susunod na taon. Ang mga Pilipino, karamihan po, hindi ko naman nilalahat ay gustong gustong magkaroon ng eleksyon dahil pinagkakakitaan ito. Maraming kandidato ang namumudmod ng pera.

Ang tanong: Ano ang mayroon sa pulitika na may magkatunggali na ubusan ng pera para lang magtapumpay sa inaasam niyang katungkulan. Minsan naiisip siguro ng marami nating kababayan na ano ba ang mayroon sa panunungkulan at bakit at hindi maiwa-iwanan ang katungkulan at binabalikbalikan. Hanggang sa magkakamot lang ng ulo dahil mahirap matarok talaga kung ano ang layunin ng bawat isa sa atin.

Sa pagtatalo ng mga magkakaibigan lilitaw ang mga argumentong na kung bakit ang isang kandidato halimbawa sa pagka-alkalde o congressman ay tutustusan ang kampanya ng daang milyon piso, eh samantalang ang kaniyang sweldo ay kakarampot lang kung ihahambing sa nagastos noong kampanya. Ang karamihang konklusion ng pagtatalo ay ang kandidatong gumastos ng limpak limpak ay babawi at magnanakaw sa kaban ng bayan pag nahalal.

May ganoon, pero hindi po pwedeng lahatin ang mga kandidato. Mayroon na nasa dugo na lang at sa puso ang paglilingkod sa bayan. Mayroon naman, parang negosyo ang tingin nila sa pulitika.

Baka sa umpisa pa lang bawi na si kandidato. Maraming kaibigan, kamaganakan at taga-suporta. Mga taga suportang may interes na pinoproteksiyonan. Heto iyong pinangagalingan ng mga kontribusyon. Hindi po lahat ng gastos ay galing sa bulsa ng kandidato, lalo na maganda ang resulta ng survey para sa kaniya. At kokonti rin naman ang gastos ng isang kandidato kung ito'y kilala na at napupusuan siya ng bayan.

Hindi sukat magastos ang halalan. Kung mga tarpolina lang at ilang mga flyers na pinamimigay sa mga botante ay hindi masyadong mabigat sa bulsa ni kandidato. Ang mabigat sa bulsa ay iyong mga ilang botanteng sinasamantala ang pagkakataon, na hingi na hingi kung ano ano. Pasayaw, bomba ng tubig, palaro sa basketbol, nasirang bakod, abuloy sa pinagagawang bisitas at kung ano ano pa. Ang kawawang kandidato ay hindi pwedeng tumanggi. Iyan naman ay totoo lang sa mga ilang lugar, at hindi naman sa lahat.

Sa ganitong kalagayan, marami sa ating mga kababayan na kwalipikado, marangal, may sapat na karanasan at maayos ang pamumuhay na kahit anong pilit ay hindi lalahok sa pulitika. Bakit nga naman siya sa sasali. Bakit siya lalaban sa kalaban na namimli ng boto? Ang tanging interes lang naman niya ay ang maglingkod sa bayan, at walang planong magnakaw sa kaban ng bayan. Kaya tuloy pwede nating sabihing mahigit sa kalahati sa mga nanunungkulan sa buong bansa ay makati ang kamay.