Lumobo ang populasyon ng bansa, padami ng padami ang mahihirap

Max Sangil

ANG bilis lumago ng populasyon ng bansa ng Pilipinas. Noong 2014 may 100 milyong mamayan ang ating maliit na bansa. Nitong 2017, may 105 milyon na tayo. At mahigit sa kalahati nito ay maituturing na mahirap. At malaki ang porsyento sa mga mahihirap na ito ay karamihan natutulog sa gabi na kalam ang sikmura. Ito ay ayon na rin sa istatiska ng Philippine Statistics Agency (PSA), ang dating National Statistics Office (NSO).

Nitong darating na taon ay 1.65 milyon na naman ang daragdag sa mga mamayang Pilipino. Pangalawa tayo sa Indonesa sa pinakamalaking populasyon dito sa South East Asia. Baka maitanong ninyo ano ba ang kahulugan ng paglago ng populasyon sa pagsulong ng isang bansa. Pwede nating ihambing sa isang pamilya. Dati rati ang isang pamilyang may apat ang anak ay may kaginhawaan dahil sapat ang kaniyang kinikita para tustusin ang mga pangangailangan nito. Sapat ang pagkain, naiayos bahay at napapaaral ang mga bata at may natitira pang ipon para mga hindi sinasadyang pangangailangan kamukha ng pa-ospital kung magkakaroon ng karamdaman ang sino mang miyembro ng pamilya.

Pero kung walang kontrol at ang alituntunin ng magulang (gobyerno at simbahan) ay "the more, the merrier," tiyak maghihikahos ang pamilya. Kukulangin sa mga pangangailangan at magka-ganoon magiging madalas ang gusot at away sa mag-anak.

Kahit gaano kagaling ng mga economic managers ng isang pamahalaan, hindi mapapaunlad ang isang bansa habang walang programa ito laban sa pag lobo ng populasyon. Ilang trilyong piso na nga ang budget kada taon, pero kinukulang pa ito sa mga basic services para maihandog ng gobyero sa kaniyang mamamayan. Isipin ninyo na lang na kung isa at kalahating milyon ang madadagdag nitong 2017, eh di sumakatuwid kailangan ng mga bagong silid aralan , district hospitals, karsada, piyer, paliparan at iba't iba pang mga obras publikas.

Sa ngayon nga, may maraming pang pook sa iba't ibang dako ng kapuluan ang kulang na kulang sa mga silid aralan. Dalawang bata sa isang silya. Isang simpleng tulay na dudugtong sana sa magkabilang pampang para ang mga bata ay hindi tatawid sa rumaragasang tubig na dala ng ulan. Iyan po ay pinakikita sa mga documentaries na napapanood natin sa telebisyon. Kaawa-awang mga Pilipino.

Mahirap panguluhan ang isang bansa. Ito siguro ang nararanasan ng dating mayor ng Davao City naging Pangulong Rodrigo Roa Duterte. Maaring pagkatapos ng kaniyang termino, ay masasabi nating isa siyang "Man of the Masses" gaya ni Ramon Magsaysay. Nilabanan ang paglaganap ng iligal na droga at korapsiyon sa kaniyang panahon. Subali't nagapi ba niya ang kahirapan? Maghintay ang sambayanang Pilipino. May nalalabi pang limang taon si Pangulong Digong sa malaking bahay na nasa gilid ng ilog Pasig.